Unang Pahina
| Tungkol sa site |
Balita |
Sitemap |
Email
Basahin ang Pahinang ito sa
Ingles.
Panimula 2
BAGAMAN ilang libong taon nang
binabasa at ipinangangaral ng mga relihiyon ang mga nilalaman ng Banal na Aklat,
hindi naman bumuti ang kalagayan ng sangkatauhan mula noon hanggang ngayon, sa
halip ay lumulubha pa habang nagdaraan ang mga araw. Hindi pa rin tiyak kung
sino ang tunay na Dios at ang Kanyang Pangalan, na parang paghahanap ng
pinakamahalagang bagay na hindi matagpuan.
Inakala pa ng lahat na ang
mga relihiyon lamang ang tanging may karapatan na gumabay sa paghahayag ng mga
karunungan tungkol sa Dios, at ang mapabilang sa kanila ang magbibigay daw ng
kapanatagan ng kalooban at ng tiyak na kaligtasan sa mga panahon ng
pag-aalinlangan, kapagalan at kabagabagan kaninoman.
Sa pagsampalataya at pagsunod
sa mga relihiyon, naging alipin ang lahat sa mga mapang-akit at mapandayang
pamamaraan ng kanilang pangangaral. Sunod-sunuran na lamang ang lahat sa mga
sinasabi at ipinag-uutos nila, na hindi namamalayan ng lahat na may mga
pangyayaring nagaganap at magaganap pa na ikagugulat at ikagigising din ng lahat;
ito ay ang panahon ng kaganapan ng mga Pahayag ng mga Propeta ng Dios na
nasusulat sa Banal na Aklat. Hindi ayon sa mga pananakot ng mga relihiyon
tungkol sa pagwawakas ng mundo, kundi isang panibagong panimula para sa
sangkatauhan, at maging malaya sa pang-aalipin ng mga relihiyon.
Sa pamamagitan ng mga pahayag ni
Maestro Evangelista, malalaman ng lahat ang pagkakaiba ng tunay na Salita ng
Dios sa Banal na Aklat sa huwad na mga aral ng mga relihiyon. Magkakaroon ang
lahat ng batayan na masuri ng bawa’t isa kung ang mga relihiyon nga ba ay
nagsasabi ng tapat tungkol sa Dios o nagsisinungaling lamang.
Ihahayag ni Maestro
Evangelista ang mga sumusunod, para sa ikabubuti ng lahat:
Mga Dakilang Pahayag ng Dios
Maraming ipinahayag ang mga
Propeta ng Dios na nasusulat sa Banal na Aklat; may mga naganap at nasaksihan
ang bayan ng Israel at ganun din ang mga ibang bayan. Mayroon din namang mga
pahayag ang mga Propeta na hindi pa ganap magpahanggang ngayon. Ipinahayag
nguni’t ang mga kahulugan at ang mga tanda ay hindi ipinahintulot na maipakita
at maipaliwanag, gayun din ang kapanahunan ng kaganapan ng mga ito.
Kaya naman hindi kayang
ipaliwanag ng mga relihiyon ang mga pahayag ng mga Propeta ng Dios na nasusulat
sa Banal na Aklat, kaya’t sa pangangaral nila ay hindi na nila binigyan ng
pansin ang mga iba pang mga Propeta.
At sa pagdating ni Jesus,
inakala rin ng mga relihiyon na ginanap niya ang lahat ng pinahayag ng mga
Propeta sa mga aklat ng Lumang Tipan, at sinabi pa ng mga relihiyon na ang mga
aklat ng mga tagasunod (Apostoles) niya na isinulat sa Bagong Tipan ang
nagpapatunay na tunay nga daw itong ginanap lahat ni Jesus. At ipinangaral din
nila na sa pagbabalik ni Jesus, ito na daw ang kaganapan ng lahat ng mga pahayag
ng Dios para sa sangkatauhan magpakailan man.
Nguni’t ang katotohanan nito
ay marami pa ring mga pahayag sa Banal na Aklat ang hindi pa ganap. Ang sabi ni
Maestro Evangelista, huwag isipin na mananatiling hindi ganap ang mga iyon,
dahil may panahon ng kaganapan ang bawa’t pahayag ng Dios, may mga tanda na
ibinigay nguni’t ang makakapagpaliwanag lamang ng mga ito ay ang Propeta rin
lamang ng Dios.
Si Maestro Evangelista ay
naririto upang bigyan ng paliwanag ang mga pahayag ng mga Propeta ng Dios na
nasusulat sa Banal na Aklat, siya lamang ang may tanging kaalaman sa mga tunay
na kahulugan ng mga ito sa ating kasalukuyang panahon.
Nakakagulat isipin na sa
panahong ito ay may Propeta ng Dios pa. Ipapakita ni Maestro Evangelista ag
kanyang karapatan, kapahintulutan at tanda na mababasa sa Banal na aklat, mamaya lamang po.
Dahil na rin ito sa itinuro ng mga relihiyon,
na
sinabi raw noon ni Jesus na wala nang darating pang ibang propeta bukod sa kanya.
At sa dinamirami ng mga nagpanggap na mga propeta, nadadala na ang lahat. Kaya’t
kung mayroon isang tao na darating at sabihing “Sinabi ng Dios…” iisipin ng
lahat na siya ay huwad.
Ang sinabi ni Maestro
Evangelista, kapag may dumating at nagsabi na isa siyang propeta
ng Dios,
dapat maipakita niya sa lahat ang kanyang tanda at kapahintulutan mula sa Salita
ng Dios na nasusulat sa Banal na Aklat. Kung hindi niya maipakita: Gaya ng
kasabihan na “Nagpupulis-pulisan, nakadamit Pulis, huhulihin ng Pulis.” Kaya
makikilala ang tunay na propeta sa mga tanda na ipapakita niya mula sa Banal na
Aklat.
Bilang mga halimbawa, basahin
ang mga pahayag tungkol sa “lumilipad na balumbon” sa Aklat ni Zacarias
at ang “Pangako ng Dios kay Abraham” sa Aklat ng Genesis. Ihahayag mamaya
ni Maestro Evangelista ang mga tanda, mga kahulugan at ang panahon ng mga
kaganapan nito.
Tungkol naman sa pahayag na
nasusulat sa Aklat ni Zacarias sa Lumang Tipan:
At ang Panginoo'y magiging Hari
sa buong lupa: sa araw na yao'y magiging ang Panginoon ay isa, at ang kaniyang
pangalan ay isa.
Zacarias 14:9 (TAB)
Ito ang isa sa mga pahayag ng
mga Propeta ng Dios na hindi pa ganap, dahil sa kasalukuyang panahon, napakarami
ang mga dios-diosan na sinasamba sa iba’t-ibang dako ng mundo. Nguni’t darating
ang panahon na magiging isa na lamang ang Dios na kikilalanin at sasambahin ng
sangkatauhan magpakailan man. Si Maestro Evangelista ang magpapaliwanag kung
papaano ito magaganap.
At sa pamamagitan ng
paghahayag ni Maestro Evangelista, mabibigyan na ng katarungan ang mga Propeta
ng Dios na hindi binigyan ng pagpapahalaga ng mga relihiyon. Sa mga pahayag ni
Maestro Evangelista na ito ipakikita at ipapaunawa niya ang mga kahulugan at ang panahon ng kaganapan
nito.
Ang Banal na Aklat
Sa mga nagdaang panahon,
iba’t-ibang tao, mga pinuno ng mga relihiyon at mga pantas ang nagpakilala na
sila ang may karapatan at kapangyarihan na ipangaral sa lahat ang Banal na Aklat;
nguni’t sa nag-iisang aklat, gaanong pagkabahabahagi ang kanilang idinulot sa
pangangaral nito?
Ang sabi ni Maestro
Evangelista, gaya ng pambansang pagsusulit, kahit na nagmula pa sa iba’t ibang
bayan sa bansa ang mga kumukuha nito, parepareho dapat ang mga isasagot nila sa
mga katanungan dito, dahil isa lang din ang aklat ng aralin na binasa at
pinag-aralan nila. Nguni’t bakit sa Banal na Aklat, iba-iba ang mga ibinibigay
na paliwanag ng mga relihiyon tungkol sa mga nasusulat dito? Dahil ang bawa’t
mangangaral at pinuno ng mga religion ay may kanya-kanyang sariling pagkakaunawa
sa Salita ng Dios sa Banal na Aklat, na sa halip na magka-isa ang lahat sa
pananampalataya sa tunay na Dios ay nagkabahabahagi pa. Nakikita ang isang
pangkat ng mga nananampalataya ay hihiwalay sa kanilang relihiyon at magtatayo
ng panibago at sasabihin pa na mali ang kanilang hiniwalayang relihiyon at sila
na ang may dala ng tunay na aral ng Dios!
Ang sabi ni Maestro
Evangelista, ang isang mali ay hindi mangyayaring magbunga ng tama; maaring
magkaroon pa ng maraming katulad (na mali), bilyon man ang maging bilang;
nguni’t ang tunay o ang totoo ay nag-iisa lamang magpakailanman.
Dahil dito, ang lahat ay
nawalan ng tiwala sa Banal na Aklat, na sa pag-iisip, kung ang aklat ay
naglalaman ng Salita ng Dios, bakit matapos itong basahin ng karamihan ay hindi
sila nagkaka-isa at nagtatalo-talo pa, kadalasa’y may nasasaktan at namamatay pa
sa pagtatanggol ng kani-kanilang mga paniniwala at mga adhikain.
Malalaman lamang ang
katotohanan sa Banal na Aklat kung ang taong mangangaral nito ay isang Propeta na
sinugo ng Dios. At dahil ang aklat ay naglalaman ng Salita ng Dios, nararapat
lamang na ang mangangaral nito ay pinili ng Dios upang maging Kanyang
tagapagsalita sa lahat!
Maitatanong ninyo:
Dahil marami ang nagpapakilala ng kani-kanilang mga sarili na sila daw ang
isinugo, papaano nga ba natin makikilala ang tunay na Propetang sinugo ng Dios
upang iparating ang Kanyang Salita? Ang sabi ni Maestro Evangelista: Ang sagot
ay simple lamang, Kung ang pag-uusapan ay ang tungkol sa kaalaman ng tao, gaya
ng physics, engineering, social sciences, chemistry, history at iba pa, ang
dapat na magpaliwanag nito ay ang taong nag-aral sa pinakamagaling at
pinakamataas na mga paaralan at mga pamantasan na pumasa sa mga pagsusulit.
Nguni’t kung ang Salita ng Dios ang pag-uusapan, sino ang pipili ng taong
magsasalita para sa Kanya? Ang Dios mismo ang pipili at ang magsusugo ng taong
iyon! At sa Banal na Aklat, sa “Salita ng Dios” mismo mababasa at malalaman ang
tanda ng taong pinili upang maging tagapagsalita Niya sa lahat! At kahit na ang
pinakamataas na pag-aaral ngayon ay hindi makakapantay at matatanganan ang Salita ng
Dios!
Ang Propetang "gaya ni Moises"
Magtataka kayo sa papaano namin
nalaman ang mga isinasalaysay dito. Sa anong kapahintulutan rin mayroon kami na
magsalita tungkol sa Dios at sa mga pahayag ng mga propeta? At sino rin si
Maestro Eraño M. Evangelista?
Si Maestro Evangelista ang
ipinangakong Propeta na susuguin na “gaya” ni Moises (Deutoronomio
18:18-19) , siya ang binigyan o
nilagyan ng Salita ng Dios sa bibig upang ipaliwanag ang mga kahulugan ng mga
pahayag na nasusulat sa Banal na Aklat, (dahil hindi naipaliwanag noon, kaya
hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa ng mga relihiyon, mananaliksik at mga siyentipiko ang mga
kahulugan ng mga iyon). Sa dinamidami ng mga tao ngayon, na higit pa sa
anim na bilyon, papaano siya pinili?
Malalaman din mamaya, at
kahit na si Jesus din ay magbibigay ng tanda tungkol sa pagparito ng Propeta na
“gaya” ni Moises. At sa pagparito niya (Propeta na “gaya” ni
Moises), madali na siyang makikilala sa mga tanda na ibinigay sa Banal na Aklat.
Ano ang tanda ni Maestro Evangelista o ang Propetang sinugo na “gaya” ni
Moises?
Basahin ang kanyang tanda
mula sa Banal na Aklat.
Aking palilitawin sa kanila ang
isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay
ang aking mga salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat
ng aking iuutos sa kaniya.
At mangyayari, na sinomang hindi
makikinig sa aking mga salita na kaniyang sasalitain sa aking pangalan, ay aking
sisiyasatin yaon sa kaniya.
Deuteronomio 18:18-19 (TAB)
“isang propeta… na gaya
mo” – isang
“sinugo” ng Dios na “gaya ni Moises,” na isa ring propeta.
Saan siya manggagaling?
“sa gitna ng kanilang mga
kapatid” – ang
propetang ito ay hindi manggagaling sa lahi o sa bayan ni Moises, siya ay isang
“dayuhan,” hindi nila kalahi.
Ano ang tungkulin ng propetang
darating sa Dios?
“aking ilalagay ang aking
mga salita sa bibig niya”
– Ang Dios ang maglalagay sa bibig niya o ang magbibigay ng sasabihin ng
propetang darating. Hindi na mag-aaral, ang Dios ang magtuturo kung ano ang
sasabihin o ang ihahayag niya sa lahat.
“kaniyang sasalitain sa
kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya”
– Sasalitain lamang niya sa lahat ang ipag-uutos sa kanya ng Dios.
Marami rin ang hindi muna
makikinig o maniniwala sa mga pahayag ng propetang darating, ano ang bilin ng
Dios?
“At mangyayari, na sinomang
hindi makikinig sa aking mga salita” –
ito ay patungkol sa mga hindi
makikinig sa pahayag ng proptetang darating.
Ang propetang darating ba ay
magsasalita para sa kanyang sariling kapakanan?
“na kaniyang sasalitain sa
aking pangalan” – ito ang tanda ng propetang darating o ni Maestro
Evangelista. Dala niya ang Salita at ang kaalaman at kaunawaan ng Dakilang
Pangalan ng Dios. Siya ang taong magpapakilala ng Dakilang Pangalan ng Dios sa
mga tao sa mundo!
At kung patuloy na babalewalain
ang kanyang mga pahayag mula sa Dios?
“ay aking sisiyasatin yaon sa
kaniya” – Ang Dios na ang magsusulit sa kanila (patungkol sa nabanggit na “sinoman”)
Ang sabi ni Maestro
Evangelista, nang mabasa ang pahayag ng ito ng Dios kay Moses noon, dapat sinabi
ng mga tagapangaral at mga pinuno ng mga relihiyon sa lahat noon na hintayin na
lamang ang propetang may dala ng tanda na ito kahit gaano man katagal ang
pagdating niya. At huwag nang bigyan ng sariling kahulugan at paliwanag ang mga
pahayag ng mga Propeta at ng Dios na nasusulat sa Banal na Aklat. Hindi na sana
nagkagulo sa pag-aaral ng aklat na ito.
At ngayon nga ay nasasaksihan
at nababasa na ng lahat, sa website na ito na
www.thename.ph, ang mga pahayag ng taong naging katuparan ng pahayag ng mga
Propeta at ng Dios, na si Maestro Eraño M. Evangelista.
Ang website na ito ay
naglalaman ng kanyang mga pahayag tungkol sa “inilagay” na Salita ng Dios
sa kanyang bibig, at ang Patotoo ni Jesus na nasusulat sa Banal na Aklat.
Ang Patotoo ni Jesus
Sa pagdating ng propetang
“gaya” ni Moises, makikilala rin siya sa dala niyang “Patotoo ni Jesus.”
Siya ang magpapaliwanag ng mga sinalita at mga ginawa ni Jesus na kasama ang
kanyang mga tagasunod sa kanyang bayan noong nabubuhay pa siya. Ang Patotoo ni
Jesus ang magbibigay linaw sa tunay na kalagayan at katauhan ni Jesus sa Banal
na Aklat. Si Maestro Evangelista rin ang magpapaliwanag kung ano ang tunay na
misyon ni Jesus mula sa Dios:
• kung siya ba ay sinugo para sa
ipagpapatawad ng mga kasalanan ng lahat o sinugo para sa kanyang bayan lamang.
• Kung tunay nga bang natupad ni
Jesus ang ipinag-uutos ng Dios sa kanya.
• At kung anong uri ng aral o
mensahe ang kanyang dapat ipaalam sa kanyang bayan.
Alam ba ng mga pinuno ng mga
relihiyon ang Patotoong ito na mismong si Jesus ang nagsabi na nasusulat ito sa
Banal na Aklat?
Nangaral ng mga relihiyon
tungkol sa buhay at kamatayan ni Jesus ayon sa kanilang sariling haka-haka at
pagsasabwatan, kaya nagkakabahabahagi ang mga tao sa mundo, mula noon hanggang
ngayon!
Ipapakita ni Maestro Evangelista
ang kanyang kapahintulutan at tanda mula rin mismo kay Jesus na nasusulat sa Banal
na Aklat!
Sa humigit=kumulang na dalawang libong taon, ang
lahat ay pinaniwala ng mga relihiyon na si Jesus ay sinugo ng Dios upang ganapin
ang mga pahayag na nasusulat sa Lumang Tipan ng Banal na Aklat. Sinabi rin ng
mga relihiyon na siya ay sinugo, bilang isang “bugtong na anak ng Dios”,
upang tubusin at mapatawad ang sangkatauhan sa mga kasalanan sa Dios.
Nguni’t ang sabi ni Maestro
Evangelista, bakit hindi na lamang sabihin ng Dios; sa lahat ng Kanyang
Kapangyarihan, Kaawaan at Pagpapala, “Pinatatawad ko na kayong lahat?”
Pinaniwala din ng mga
relihiyon ang lahat na nagampanan ni Jesus ang ang mga pahayag ng Dios, sa mga
aklat ng Bagong Tipan.
Ang mga naunang apat ng aklat
ng Bagong Tipan ay ang mga nasulat na talaan ng kasaysayan ng buhay at gawa ni
Jesus, nguni’t hindi ipinaliwanag ng mga relihiyon ang dahilan kung bakit siya
ay sinugo ng Dios para sa kanyang bayan Israel. Gayundin ang tunay niyang misyon at ang
dahilan ng kanyang maagang kamatayan, lahat ay nahiwagaan at patuloy na
nahihiwagaan magpahanggang ngayon. At, bago pa man siya mamatay, sinabi niya na
siya ay magbabalik muli sa ikatlong araw, mula noon ang kanyang mga tagasunod ay
naghintay sa kanyang pagbabalik.
Maging ang mga relihiyon kasama
ng kanila-kanilang mga tagasunod ay umaasa at naghihintay sa pagbabalik ni Jesus ng maluwalhati. At kung tunay ngang nagampanan niya ang mga pahayag ng mga
propeta at inilagtas ang sangkatauhan sa kanilang mga kasalanan, bakit pa
kailangan siyang magbalik pa?
Ipinagpalagay din na si Jesus
ang nagdala ng kapayapaan sa mundo; nguni’t sa kasalukuyang panahon, ang
kapayapaan ay makikita at mapapanood lamang sa mga palabas sa sine at telebisyon,
sa ating sariling mga panaginip. Ano nga ba ang tunay na kalagayan ng mundo
ngayon? Tahimik ba at puno ng kasaganaan? Ilusyon lang ang mga sinasabi ng mga
relihiyon tungkol sa kapayapaan.
Bagaman nakakalito at hindi
mapipigilang magbigay ng sariling paghahatol sa mga inihahayag ni Maestro
Evangelista tungkol sa tunay na katauhan ni Jesus, bakit hindi muna basahin ng
may bukas na pag-iisip at tapusin ang pagbasa sa website na ito, ng sa gayon ay
makikita ang katotohanan at ang kasinungalingan: ang tunay na Jesus sa Banal na
Aklat at ang Jesus na ayon sa aral ng mga relihiyon. Makikita ang pagkakaiba. At
di kalaunan ay makikilala rin ang tunay Dios:
Ang Dakilang Pangalan ng Dios
Iisa lamang ang tunay na Dios
at may isa rin Siyang Pangalan; nguni’t sa pagdami ng mga relihiyon ay dumami
rin ang mga dios na kanilang ipinakikilala, nawala na ang kahalagahan ng
pagkilala sa tunay na Dios at sa Kanyang Pangalan na matatagpuan lamang sa Banal
na Aklat. Dahil ang mga relihiyon na
ang kinasaligan ng lahat, sila na raw ang naging tagapagpamagitan sa Dios para sa mga
tao, lumayo ang loob ng lahat sa tunay na Dios.
Ihahayag ni Maestro Evangelista
ang paraan upang ang lahat ay makapanumbalik at mapalapit muli sa tunay na
Dakilang Dios at makamit muli ang wagas na pagpapala at kapayapaan..
Bagaman sa simula ay
mahihirapang unawain ang mga pahayag ni Maestro Evangelista o tanggapin man ito
sa huli, ito ay bunga na rin sa pagmulat at pag-akala ng lahat na ang mga
relihiyon lamang ang tanging may karapatan sa kaalaman tungkol sa Dios at dahil na rin
sa mga itinuro ng ating mga magulang, na natutunan din lamang sa kani-kanilang
mga magulang, at sa mga ninuno na natutunan din naman nila sa mga relihiyon.
Ang mga pahayag ni Maestro
Evangelista na ibinigay ng Dios ang yayanig sa kinasasaligang paniniwala ng
kasalukuyang sibilisasyon – na ito ay itinatag mula sa pandaraya ng mga
relihiyon!
Gaya noong hiningi ni
Moises ang pahintulot na sabihin ang Pangalan ng Dios sa kanyang bayan, sinagot
lamang siya na sabihing “AKO YAONG AKO NGA” o sa sulat sa wikang Hebreo ay “YHWH.”
Ibig sabihin ay hindi pinahintulutan si Moises na sabihin sa kanila ang Pangalan
ng Dios.
At ang ginawa naman ng mga
relihiyon, ay nilagyan ng mga patinig upang mabigkas sa ibang wika, kaya naging
“Yahweh,” at sa pagsalin sa wikang Aleman at Ingles ay naging “Jehovah,” at iba pa… ngunit
ang mga Hudyo ay ginamit ang “Hashem” o “Ang Panglan,” dahil alam nila na ang
YHWH ay hindi tunay na Pangalan ng Dios. Nguni’t hindi pa rin nila alam ang
Tunay na Pangalan ng Dios.
Ang mga relihiyon ang
nagbigay ng iba’t-ibang pangalan sa Dios at itinuro pa nila sa tao. Pinasamba
ang mga tao sa Dios na hindi nakilala. Pinangunahan nila ang Dios at ang Kanyang
Salita sa Banal na Aklat! Kalapastanganan ito sa Dios! Hindi nila hinintay ang
propetang sinugo na “gaya” ni Moises, siya ang magpapaliwanag sa mga sinalita
nina Moises at ng mga propeta na nasulat sa Banal na Aklat. Siya ang taong
nilagyan ng Salita ng Dios sa bibig na magsasalita sa Pangalan ng Dios. Siya ang
may dala ng tunay na Pangalan ng Dios upang makilala ng lahat.
Kailangang panaigan ng lahat
ang ikinundisyong pananaw at pag-iisip ng mga relihiyon at buksan ang mga mata
upang makita ang tunay na kalagayan ng mundo, na hindi bumubuti habang nagdaraan
ang mga araw. Ang Dios lamang ang pag-asa ng sangkatauhan, kaya’t sa Kanyang
Kagandahang Loob ay nagparating pa ng isang propetang sinugo na “gaya ni
Moises" upang magturo ng mabuting paraan upang makaalpas pa sa lumulubhang
kalagayan ng mundo.
Ang website na ito ay para sa
lahat upang basahin at alamin ang tungkol sa pagkilala sa Dakila at Banal na
Pangalan ng Dios, na kung dumating man ang “kaarawan” na iyon, may
malalapitan ang lahat upang mahingi o malaman ang Pangalan ng Dios, nang sa
gayon ay makatawag na ng direkta sa Dios at magkaroon ng kaligtasan sa pagdating
ng “kaarawan” na binabanggit.
At, ang misyon na ibinigay
kay Maestro Evangelista tungkol sa pagpapakilala ng Dios ay naganap na. Naihayag
na sa website na www.thename.ph noong ika-24 ng Setyembre taong 2006.
Nasasaatin ang malayang
pagpapasya na makalaya sa mga pandaraya at pang-aakit ng mga relihiyon upang
magkaroon ng panibagong panimula o mananatili na lamang ba sa mahimbing na
pagkatulog sa mga relihiyon.
Si Maestro Evangelista ay hindi
nagtatatag ng isang bagong kilusan o relihiyon – siya ang magpapahayag ng
kaganapan ng mga pahayag ng mga Propeta ng Dios:
Isang bayan, isang mundo at isang Dios.
Bumalik sa
Itaas.
Magpatuloy sa:
Ang
Kalagayan ng Mundo
Ang pahinang ito ay huling inayos noong:
Wednesday May 28, 2014
|