Unang Pahina
| Tungkol sa site |
Balita |
Sitemap |
Email
Ikaapat na Bahagi:
Ang mga Pahayag ng "Taga Ibang Lupa" ng Dios
Basahin ang Pahinang ito sa
Ingles.
ANG
PAGPARITO NG “TAGA IBANG LUPA”
Inihayag noong ika-22 ng Agosto 2005
Ang Propeta na sinugo na “gaya ni Moises"
Bakit tinawag din siya na "taga ibang lupa?”Ano ang mensahe ng Dios na
kanyang ihahayag sa atin?
Inihayag noong ika-22 ng Agosto 2005
Lingid sa
kaalaman ng mga relihiyon at ng karamihan sa atin, may isang pahayag tungkol sa
pagdating ng isa pang tao na sinugo ng Dios. Ang taong ito ay darating sa
takdang panahon, upang ipakilala ang Tunay na Pangalan ng Dios at ihayag ang mga
kahulugan ng mga pahayag at mga Salita ng Dios sa Banal na Aklat.
Si Maestro
Evangelista ang taong ito, ipapakita niya sa lahat ang kanyang tanda at
kapahintulutan mula sa Dios:
Kailan pa
inihayag ng Propeta ng Dios ang tungkol sa pagdating niya? Ano ang pahayag at
tanda na ibinigay ng Dios para sa kanya upang makilala ng lahat?
Aking palilitawin sa kanila ang
isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay
ang aking mga salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat
ng aking iuutos sa kaniya.
Deuteronomio 18:18 (TAB)
"ang
isang propeta... na gaya mo" - Isang Propeta lamang ang sinugo na “gaya“
ni Moses, na may kapahintulutan mula sa Dios. Saan siya manggagaling?
"sa gitna
ng kanilang mga kapatid" - Hindi siya manggagaling sa bayan ng Israel, kundi
sa ibang bayan o lahi.
"aking
ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya" - Si Moses ay binigyan ng
kapangyarihan upang ilabas ang kanyang bayan sa Egipto at ibigay sa kanila ang
Sampung Kautusan noong kapanahunan niya, nguni't hindi siya binigyan ng
pahintulot na ihayag o ipakilala sa kanyang bayan ang Pangalan ng Dios. Ang
kaibahan ng Propetang darating na “gaya” ni Moses ay hindi na siya
mag-aaral o magsasaliksik sa Banal na Biblia kung ano ang sasalitain niya
tungkol sa Dios, hihintayin na lamang niya na ibigay sa kanya ng Dios ang
“Salita” upang ipabatid sa lahat.
"kaniyang
sasalitain sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya" – Sasalitain
lamang niya sa lahat ang mga ipasasabi ng Dios na ibibigay sa kanya, hindi ang
sarili niyang salita.
Ano ang
tagubilin ng Dios tungkol sa taong ito?
At mangyayari, na sinomang hindi
makikinig sa aking mga salita na kaniyang sasalitain sa aking pangalan, ay aking
sisiyasatin yaon sa kaniya.
Deuteronomio 18:19 (TAB)
"sinomang
hindi makikinig" – tiyak, ang mga relihiyon ay hindi siya pakikinggan at
hindi papansin sa kanyang mga pahayag, sa pag-aakalang ito ay walang
maipapakitang bago para sa ikabubuti ng tao, at walang pinagka-iba sa mga
relihiyon.
Nguni't bakit
hindi bigyan ng panahon na basahin ang kanyang mga pahayag sa website na ito?
"aking
mga salita na kaniyang sasalitain sa aking pangalan" - Ang sasalitain ni
Maestro Evangelista ay hindi manggagaling sa sarili niyang hakahaka, kundi mula
sa Dios. At siya rin ang magpapakilala ng Pangalan ng Dios!
Nguni't kung
patuloy na hindi siya papansinin at pakikinggan?
"aking
sisiyasatin yaon sa kaniya" - Ang Dios na ang magsusulit sa sinomang hindi
papansin o makikinig kay Maestro Evangelista!
Ito ang Salita
ng Dios, kung hindi didinggin ng sinoman ang pahayag na ibinibigay ng propetang
sinugo na gaya ni Moises, ang Dios na ang kanilang hindi pinapansin!
Alam ng
lahat na si Moses ay sinugo noon ng Dios, nguni't papaano ba ang
pakikipag-ugnayan o nakikipagsalitaan si Moses sa Dios?
At nakikipagsalitaan ang
Panginoon kay Moises ng mukhaan, gaya ng isang taong nakikipagsalitaan sa
kaniyang kaibigan. At siya'y bumabalik uli sa kampamento, datapuwa't ang
kaniyang tagapangasiwang si Josue, na anak ni Nun, na may kabataan pa, ay hindi
umaalis sa Tolda.
Exodo 33:11 (TAB)
Ganito
kalapit si Moses sa Dios, nagsasalita ang Dios sa kanya gaya ng isang kaibigan.
Kaya naisulat
ni Moses ang mga unang limang aklat ng Banal na Aklat ay dahil ang Dios ang "nagkukwento"
sa kanya.
Kung ano ang
ipinasabi ay iyon ang kanyang isinulat.
Dahil ang
Banal na Aklat ay ganap na, ang Propetang darating na “gaya” ni Moses ang
magbibigay linaw sa mga isinulat noon ni Moses at sa iba pang mga pahayag rin ng
mga Propeta ng Dios, dahil hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa ng mga relihiyon
ang mga nasusulat sa Banal na Aklat.
Tunay ba na
ang Propetang sinugo na ipinangako ng Dios kay Moses ay hindi manggagaling sa
bayan ng Israel? Sino pa ang nakaalam nito? Basahin:
Ang Taga Ibang Lupa
Bukod dito'y tungkol sa taga
ibang lupa, na hindi sa iyong bayang Israel, pagka siya'y magbubuhat sa isang
malayong lupain dahil sa iyong pangalan;
I Mga Hari 8:41 (TAB)
"na hindi
sa iyong bayang Israel" – malinaw, tuloy pa rin ang pahayag na ibinigay
ng Dios kay Moses hanggang sa panahon ni Haring Salomon, at
sinang-ayunan niya na may Propetang darating na “gaya” ni Moses, kaya ang
tawag sa Propetang darating ay “taga ibang lupa.”
Ang inihayag at
ipinangako ng Dios kay Moses ay totoo. At saan manggagaling?
"siya'y
magbubuhat sa isang malayong lupain" - manggagaling ang Propeta mula sa
malayong dako, hindi sa kanilang bayan.
Ano ang dala
ng Propetang darating?
(Sapagka't kanilang mababalitaan
ang iyong dakilang pangalan, at ang iyong makapangyarihang kamay, at ang iyong
unat na bisig:) pagka siya'y paririto at dadalangin sa dako ng bahay na ito;
I Mga Hari 8:42 (TAB)
"kanilang
mababalitaan ang iyong dakilang pangalan" - darating ang panahon na haharap
sa lahat ang Propetang sinugo na si Maestro Evangelista upang ipakilala ang
Tunay na Pangalan ng Dios at ipaliwanag ang kahulugan ng mga ipinahayag ng mga
Propeta ng Dios sa Banal na Aklat, na nagaganap na ngayon habang binabasa ang
kanyang mga pahayag sa website na ito,
www.thename.ph.
Dinggin mo nga sa langit na iyong
tahanang dako, at gawin mo ang ayon sa lahat na idalangin sa iyo ng taga ibang
lupa; upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, upang
matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang
bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
I Mga Hari 8:43 (TAB)
"Dinggin
mo nga sa langit" - Nasaan ang Dios? Siya ay nasa langit, kaya ang darating
na Propetang sinugo ang magsasalita para sa Dios, upang ipakilala sa lahat ang
tunay ng Pangalan ng Dios at sabaysabay siyang makikita at mapapakinggan ng
lahat sa buong mundo sa pamamagitan ng mga makabagong pamaraan ng
pakikipagtalastasan: cableTV, internet at radio.
Anong
panahon pa ang pinakamainam sa pagdating ng "taga ibang lupa," kundi sa
ating kapanahunan?
At narito na
siya at binabasa na ang kanyang mga pahayag, ang “Salita ng Dios!”
Ito ang
pahayag ng Dios na nananatiling lingid sa kaalaman ng mga relihiyon
magpahanggang ngayon.
Nang nabasa ng
mga relihiyon sa Banal na Aklat ang pahayag sa
Deuteronomy 18:18-19 dapat sinabihan ang lahat na hintayin na lamang ang
pagdating ng propetang sinugo na "gaya" ni Moses at hindi na nila dapat
binigyan ng iba’t ibang interpretasyon ang mga nakasulat sa Banal na Aklat.
Dahil ang
propetang darating ang tanging may pahintulot na ipaliwanag ang mga pahayag ng
mga Propeta ng Dios na nakasulat sa mga Banal na Aklat.
At sa
panahon ng pagdating ng Propetang sinugo na “gaya” ni Moses, dapat ay
ipakita niya sa lahat ang kanyang tanda sa mga pahayag ng mga propeta ng Dios na
matatagpuan sa Banal na Aklat. Kapag napatunayan niya sa lahat na siya nga ang
taong inihayag ng mga Propeta ng Dios, nararapat lang na kilalanin, pakinggan at
unawain ang kanyang mga pahayag tungkol sa Salita ng Dios na ibinigay sa kanya.
Ang taong iyon
ay si:
Eraño M. Evangelista
Nauna nang
naipakita ni Maestro Evangelista ang kanyang mga Pahayag at Tanda sa pamamagitan
ng internet sa website na www.thename.ph, para sa katuparan ng mga
pahayag ng mga Propeta sa Banal na Aklat, na magpahanggang ngayon ay binabasa ng
lahat mula sa iba’t ibang bansa.
Kaunting
panahon na lamang ang mga tao sa buong mundo ay gigising mula sa mahimbing na
pagkatulog sa mga relihiyon and mamumulat sa katotohanan na may isang tunay na
Dios na hindi nakilala ng lahat.
Ang Dakilang
Pangalan ng Dios ay ipinakilala rin sa nabanggit sa website na ito, at kasunod niyon ang "Dakilang Kaarawan ng Panginoon" ay
magaganap. Ang mundo ay dapat maghanda para sa "Araw" na iyon.
Walang mga
himala sa pagkakataong ito, kundi mga pagbasa sa mga tunay na kahulugan ng mga
nasusulat na mga pahayag ng mga Propeta sa Banal na Aklat at pagkilala sa Tunay
na Pangalan ng Dios.
Ihahayag ng
"taga ibang lupa:"
•
Ang Dakilang Pangalan ng Dios
•
Ang Patotoo ni Jesus
• Ang Bagong Bayan ng Dios, Ang
Bagong Jerusalem
Ang
sabi ni Maestro Evangelista, ang mga kapahamakan, mga sakuna at mga kaguluhan ay
darating ng sunod-sunod sa buong mundo upang mamalas at maramdaman ang galit ng
Dios; at kung ang mga tao sa buong mundo, kasama ng kani-kanilang mga pangulo ay
wala nang magagawa laban sa mga kapahamakan, mga sakuna at mga kaguluhan na
gumagapi sa kanila. Sila ay magtitipon-tipon at mananalangin sa Dios, ang mga
panalangin ba nila ay maririnig ng nag-iisa at Tunay na Dios?
At sa anong Pangalan nila tatawagan ang Dios?
Ipinakilala na
ng Dios ang kanyang dakilang pangalan sa pamamagitan ng kayang propetang sinugo
na gaya ni Moises, upang ang lahat ay magkaroon ng pagliligtas at ang sumpa ay
maalis. Ang lahat ng tao sa buong mundo ay dapat sumangguni lamang sa “taga
ibang lupa” at unawain ang dahilan ng Sumpa at hanapin ang lunas dito.
Ang
Pagpapakilala sa Pangalan ng Dios ay mangyayari bago dumating ang panahon na:
Ang araw ay magiging kadiliman,
at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng
Panginoon.
At mangyayari na ang sinomang
tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas, sapagka't sa bundok ng Sion at
sa Jerusalem doroon yaong nangakatanan, gaya ng sinabi ng Panginoon, at sa
nangalabi ay yaong mga tinatawag ng Panginoon.
Joel 2:31-32 (TAB)
Ang tanong
ay: Sino ang maliligtas sa "kaarawan" na binanggit?
Ang sagot:
Kung sino man ang tatawag sa Pangalan ng Dios!
Nguni't kung
ang Tunay na Pangalan ng Dios ay lingid sa kaalaman ng lahat, sino ang
makakaligtas?
Ang Dios ay
matuwid at tapat, bago mangyari ang "kakilakilabot na araw" na iyon, ang
Pangalan ng Dios ay ipakikilala na Niya sa pamamagitan ng propetang darating na
"taga ibang lupa."
At bago pa
maganap ang "kaarawan" na binanggit, na sa bawa’t isa kung tatawag sa
Pangalan ng Dios o hindi – nasa bawa’t isa kung ano ang nais gawin.
Hindi na
masisisi ang Dios ninoman kung ano man ang mangyayari simula sa ""kaarawan"
na iyon; Pagpapala o Sumpa.
Kung gayon,
sa anong Pangalan dapat tumawag sa Dios?
Hanapin at
tanungin ang Propetang sinugo o ang "taga ibang lupa," o hindi kaya’y
ipagpatuloy ninyo ang pagbasa sa website na ito at inyong makikita ang Tunay na
Pangalan ng Dios sa pamamagitan ng mga pahayag ni Maestro Evangelista.
Papalapit na
tayo sa "kaarawan" na kung saan ilalabas na ng Dios ang kanyang labis na
kagalitan at magpapakilala na ng Kanyang Sarili at ng Kanyang Dakilang Pangalan,
sa pamamagitan ng kanyang “taga ibang lupa,” upang ang lahat ay makaligtas at
magkaroon ng kapayapaan at kasaganaan.
Kilalanin,
magsisi at manumbalik sa Dios!
Tunay na
darating ang "kaarawan" na binanggit sa Banal na Aklat. At ang mga
biglang pagdating ng mga sakuna at mga kapahamakan na dinaranas ngayon ay
nagpapahiwatig na ang lahat ay papalapit na sa landas o sa "kaarawan" na
iyon.
Sa mga
libong taon sa pagbabasa ng Salita ng Dios sa Banal na Aklat sa pamamagitan ng
mga aral ng mga relihiyon, napag-alaman ba ng may katiyakan ang Katotohanan
tungkol sa tunay na Pangalan ng Dios? Kung napag-alaman nga, bakit marami ang
pangalang itinatawag sa Kanya? Naunawaan nga ba ang ibig ipabatid ng Dios sa
Banal na Aklat? Bakit nga ba ang lahat ay dumaranas ng malaking paghihirap sa
ating kapanahunan?
Ang mga
pangyayari na nagaganap ngayon sa mundo; ang mga bagyo, baha, lindol, tsunami,
sunog at pagguho ng mga kagubatan, pagkabawas ng ozone sa himpapawid, pag-iinit
ng mundo, ang pagwasak sa kapaligiran, at mga iba pa ay naihayag na noon ng mga
Propeta ng Dios at mangyayari na ngayon. Nguni’t bakit ang mga relihiyon ay
hindi kayang ipaliwanag ang dahilan ng mga pangyayaring ito? Sila ay tahimik at
tila lumalayo sa usaping ito, nangangahulugan lamang na hindi nila kayang
ipaliwanag ng lubos ang mga pangyayari, ni hindi man nila alam kung saan sila
magsisimula upang ipaliwanag ang mga pahayag ng Dios sa Banal na Aklat! Ang
masasabi lang nila ay: Ito ang "Araw ng Panginoon" o “Kagustuhan ito
ng Dios.” Sa madaling salita, hindi sila ang tunay na lingkod ng Dios
sapagka’t hindi nila kayang ipaliwanag!
Ang sabi ni
Maestro Evangelista, ang mga kalunos-lunos na pangyayari ay hindi na gawa ng tao
o ng kalikasan; ang Dios na ang may gawa ng mga ito. Sinalita na ito noon ng
Dios sa Kanyang mga Pahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga Propeta, ito ay
nauulit na naman ngayon, nguni't sa buong mundo na.
Tanungin ang
inyong mga pinuno ng mga relihiyon, may mali sa mga relihiyon.
Habang ang
mga sakuna ay nangyayari, ang lahat ay dumadalangin sa Dios (na hindi kilala)
upang matigil ang mga ito, nguni’t bakit ang mga dalangin ay hindi sinasagot?
Ang Dios ay
mahabagin at makapangyarihan upang magligtas; nguni't bakit tila tahimik ang
Dios sa mga karaingan ng lahat?
Nangangahulugan
ba na ang Dios ay hindi gayong makapangyarihan at hindi kayang magligtas? Sa
bandang huli, sisisihin pa ang Dios sa matinding paghihirap na ating dinaranas.
At kung ang lahat nga ay ipinanganak dito sa mundo upang maghirap, bakit pa
nilikha ng Dios ang tao sa mundong ito?
Tanong: Sino
ang dios na binanbanggit? Ang dios ng mga relihiyon na kinalakihan? O ang Tunay
na Dios na nakasulat sa Banal na Aklat?
Matuwid at
tapat ang Dios. Hindi Niya gagawin ang mga ganitong uri ng mga kasakunaan na
mangyari sa mgatao ng walang kadahilanan.
Upang kayo
ay mabigyan ng isang halimbawa, ang sabi ni Maestro Evangelista, sa Halamanan ng
Eden; malayang pagpapasya ang ibinigay kay Adan - isang dako, isang tao at isang
Dios. Tuwiran ang pakikipag-ugnayan ni Adan sa Dios; hindi siya nagkukulang sa
pagsunod sa Dios.
At nang si
Eva ay nilalang, siya ay pumagitna kina Adan at sa Dios, at sa huli ay naniwala
si Adan kay Eva nang higit pa sa Dios. At dahil nahimok ng Ahas si Eva upang
dayain si Adan; at si Adan naman ay nadala rin sa mungkahi ni Eva, nagawa ng
lalake ang ipinagbabawal sa kanya ng Dios.
Ang mabuting
pakikipag-uganayan ng tao sa Dios ay nasira nang maniwala si Adan sa iba, kay
Eva. Kaya't sina Adan at Eva ang pinalayas sa Halamanan ng Eden, ang masaganang
dako na ipinangako ng Dios. Sa labas ng Halamanan ay walang kaayusan; ano ang
unang pangyayari na naganap sa mga anak ni Adan sa labas ng Halamanan ng Eden?
Inggit at sa bandang huli ay ang pagpatay. Ito ang kalagayan ng tao na walang
Dios. Kung walang kautusan upang sundin ng lahat, may kaguluhan at hidwaan;
maaaring ang iba’t ibang bayan ay magkaroon ng kanikanilang mga batas, ito'y
magkakaroon lamang ng pagkakasalungat sa bawa’t bayan din.
May mga digmaan at
mga kaguluhan pa rin na magaganap. Upang ang lahat ay magkaroon ng wagas na
kapayapaan at katahimikan, dapat ay magkaroon ang lahat ng kautusan na sasaklaw
sa lahat, sa mga bayan at mga bansa; kailangan ng Pangkalahatang Kautusan na
magiging mabisa upang mapangalagaan ang kapayapaan at kaunlaran sa pagitan ng
mga bansa at mga tao; ano pa ang pinakamainam na mga batas kundi ang mga
Kautusan ng Dios na nasusulat sa Banal na Aklat!
Mayroon
tayong U.N. at mga ibang lupon ng mga malayang bansa, nguni't sa kabila ng
pagkakaroon nito ay mayroon pa rin mga digmaan, tag-gutom at paghihirap. Nasaan
ang Kapayapaan na kanilang nilalayon at ipinangako sa lahat? Hindi magkakaroon
ng kapayapaan ang lahat hangga't hindi natutukoy ang dahilan ng
pagkakabahabahagi. At kung matukoy ang dahilan ng pagkakabahabahagi, nasa sa
lahat ang paggawa ng mga hakbang upang maalis ang pagkakabahabahagi at maging
ganap ang kapayapaan.
Sinsisi natin
palagi ang ibang tao sa mga paghihirap na ating nararanasan, tunay nga ba, na
ang mga kaguluhan at pagaaway sa mundo, sino ang may gawa nito?
Ano ang sabi ng
Dios?
Narito, inilalagay ko sa harap
ninyo sa araw na ito ang pagpapala at ang sumpa;
Ang pagpapala, kung inyong
didinggin ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios, na aking iniutos sa inyo sa
araw na ito;
At ang sumpa, kung hindi ninyo
didinggin ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios, kundi kayo lilihis sa daan na
aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang sumunod sa ibang mga dios, na hindi
ninyo nangakilala.
Deuteronomio 11:26-28 (TAB)
"inilalagay
ko sa harap ninyo sa araw na ito" – Ang sabi ni Maestro Evangelista: “Ang
bawa’t isa ang gagawa ng kanyang buhay, nasasa kanya kung papaano ito
pagagandahin. Kung gumanda o sumama man ang niya, siya ang may gawa nito. Hindi
dapat isisi sa iba at hindi rin dapat isisi sa Dios. Dahil binigyan na Niya ang
lahat ng “malayang pagpapasya.”
Kung
mananatiling tapat ang lahat sa Dios at susundin ang Kanyang mga Kautusan,
pagpapala ang makakamit, at sumpa naman kung tatalikod o lilihis sa Kaniya at
hindi susundin ang Kanyang mga Kautusan at sumunod pa sa ibang dios na hindi
kilala.
Kung
itatanong: “Ilan ang Dios?” Sasagot na: “Isa lang.”
At kung
muling itatanong: "Ano ang Pangalan ng Dios?" At sasagot: “Ang Dios ay
tinatawag sa maraming pangalan!” Sumpa! Ito ang dahilan
ng kasalukuyang paghihirap nating lahat, dahil hindi tunay na kilala ang Dios!
At nang
sinabing "pagpapala at sumpa," ang Banal na Aklat ay waring nahahati agad
sa dalawang bahagi: "tama at mali," "mabuti at masama," "buhay at
kamatayan" at marami pang iba.
Ito ang
dahilan kung bakit ang Banal na Aklat ay sakdal at ganap, dahil ipinapakita nito
ang magkabilang panig ng bawat bagay; upang ating malaman at matukoy ng may
katiyakan kung ano ang tama at kung ano ang mali.
Ito ang
magtataguyod ng may kaalaman at kaunawaan upang malaman ang katotohanan at ang
matuto sa buhay.
Ito ang aral
na ibinibigay ng Dios pang maunawaan ng lahat ng tao sa buong mundo, ituloy ang
pagbasa sa website na ito at makikita ang katotohanan dito.
Maitatanong,
bakit ginagawa ng Dios ang mga kasakunaan at mga kakilakilabot na mga
pangyayaring ito sa ating panahon?
Ibugso mo ang iyong pagiinit sa
mga bansa na hindi nangakakakilala sa iyo, at sa mga kaharian na hindi
nagsisitawag sa iyong pangalan.
Awit 79:6 (TAB)
Ginagawa ng
Dios na dumanas ng paghihirap ang mga tao sa buong mundo hanggang sa sila ay
manawagan sa Kaniya.
At kung
dumating ang panahong binabanggit, papaano tayo tatawag at hihingi ng kaligtasan
sa Kaniya? Sa Kanayang Pangalan! Sa anong Pangalan Siya dapat tatawagan?
Nananawagan
tayo sa Dios sa pamamagitan ng maraming pangalan, nguni’t mapapansin na patuloy
pa rin sa pananalasa ang mga sakuna. Bakit? Sapagka’t hindi tayo dinidinig ng
Dios! Nananawagan tayo sa Kanya sa mga maling pangalan, at hindi natin sinusunod
ang Kanyang mga tagubilin o mga Kautusan:
Oh Panginoon, sawayin mo ako,
nguni't sa pamamagitan ng kahatulan; huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa
wala.
Iyong ibuhos ang iyong kapusukan
sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo, at sa mga angkan na hindi
nagsisitawag sa iyong pangalan; sapagka't kanilang sinakmal ang Jacob, oo,
kanilang sinakmal siya, at nilipol siya, at sinira ang kaniyang tahanan.
Jeremias 10:24-25 (TAB)
May Pangalan
ang Dios na hindi nalaman at buhat pa noon ay sinabi Niya na may Propeta na
darating na dala ang Kanyang Pangalan, kaya dapat pakinggan ang Propetang ito
upang maituro ang tunay na Pangalan at ang mga kautusan Niya, nang sa gayon, ang
lahat ay makakatanggap ng pagliligtas at pagpapala mula sa Dios.
Papaanong
nangyari na ang Dios ay may Pangalan na hindi nalalaman hanggang sa ating
kapanahunan?
Nagbilin na
ang Dios sa atin;, upang malaman ang tunay na mga aral at ang Kanyang Pangalan,
dapat hanapin ang propetang sinugo na “gaya” ni Moses na tinawag ding
“taga ibang lupa.”
Bakit ayaw
pag-usapan ng mga relihiyon ang tungkol sa “taga ibang lupa?” O lingid ba
sa kanilang kaalaman ang tungkol dito?
Anu-ano ang
ilalahad ng “taga ibang lupa” sa aklat na ito?
•
Ang Dakilang Pangalan ng Dios
• ang kaganapan ng mga pahayag
at mga pangitain ng mga Propeta ng
Dios sa Banal na Aklat
• ang tunay na kahulugan ng “Dakila at
Kakilakilabot na Kaarawan ng Panginoon” at ang
mga tanda ng kaganapan nito.
• ang tunay na Jesus at ang kanyang
misyon (na naihayag na kanina)
• ang katauhan ng “ama” na
tinatawag ni Jesus sa mga Aklat ng Bagong Tipan.
• ang “malalim na hiwaga” ng
mga aral ng mga relihiyon
•
Ang katauhan na “hayop” sa
Aklat ng Apocalipsis
• ang patuloy na Pakikipag-alitan sa
pagitan ng anak ng Ahas laban sa anak ng babae na naihayag sa Genesis 3:14-15
• ang tunay na kasaysayan ng paglalang ng Dios sa tao sa Banal na Aklat
• at ang mangyayaring Pagbabalik sa
Eden, ang pangmatagalang kapayapaan
• at ang katuparan o kaganapan ng
Pangako ng Dios sa tao.
Siya ang
magpapakita ng paraan upang ang lahat ay magkaroon ng wagas na kapahingahan sa
mga sakuna at kaguluhan na ating nararanasan sa ating kasalukuyang panahon, ang
magsimulang muli, at bumalik sa Eden. Ito ang pangako ng Dios na hindi pa
nagaganap.
Sa mga nangyayaring mga digmaan, mga kaguluhan, mga kasakunaan at
mga kakaibang mga pangyayari sa boug mundo, ano ang ibig sabihin nito?
Bumalik sa Itaas.
Magpatuloy sa:
Ang Sumpa sa Babilonia
Ang pahinang ito ay huling inayos noong:
Monday November 23, 2015
|